15

Feb 9, 2021 @ 9:46
By

QC mayor balak ‘di pagbayarin ng renta ilang meat vendor

Pinaplano ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ang mga manininda ng baboy at manok, na hindi na nakapagtinda dahil hindi kinaya ang itinakdang price ceiling ng gobyerno, ay huwag nang pagbayarin ng renta ng puwesto sa palengke.

Ayon ito sa ulat ng PTV ngayong Martes.

Sa ilalim ng Executive Order No. 124, na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakasaad na sa loob ng 60 araw, P300 ang maximum na halaga na pwedeng ipagbili ang kada kilo ng liempo, habang P270 naman kada kilo ang kasim/pigue, at hanggang P160 kada kilo ang pwede sa dressed chicken.

Magugunitang kahapon, Pebrero 8, sinimulang ipatupad ang price ceiling na ito sa mga pampublikong palengke at supermarket sa Metro Manila na nagbebenta ng inangkat na karne.

Batay sa ulat ni Abante journalist Jonas Sulit, maraming meat vendor ang napilitang hindi magbukas ng kanilang puwesto o magtinda sa Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila dahil nga hindi raw nila kaya ang itinakdang price cap.

Hiniling naman ng grupong National Federation of Hog Farmers (NFHF) sa Department of Agriculture (DA) na gawing P350 hanggang P360 per kilo ang baboy para sa price ceiling para anila hindi sila mahirapan sa transition sa pagpapababa ng presyo.

“Sana may price ceiling din sa mga producer dahil wala kaming kontrol sa aming inputs. Hindi rin naman nagbabago ang presyo ng raw materials. Kami ang naiipit at baka magkagulo pa,” ayon pa kay NFHF president Chester Tan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?