69

Dec 31, 2017 @ 10:18
By

Pyrotechnic establishments sa Bulacan, pasado sa safety standards – DOLE

Nakapasa sa occupational safety standards ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga establisimyento ng pyrotechnic sa Bulacan.

Ito ay batay sa isinagawang inspeksyon ng mga labor compliance officer ng DOLE sa itinuturing na fireworks capital ng bansa.

Sa ulat ng DOLE Central Luzon Regional Office, tinukoy ng DOLE na 61 mula sa 67 establisimyento na kanilang nainspeksyon sa Bocaue, Bulacan ang tumalima sa itinakdang safety standards ng kagawaran.

Ang inspeksyon ay isinagawa sa utos ni DOLE Secretary Silvestre Bello III para matiyak na nakakatugon sa safety at health compliance ang mga manufacturer ng pailaw at paputok sa buong bansa.

Sakali umanong tumanggi na tumalima sa safety standards ang mga nasabing establisimyento, binibigyan ng kagawaran ng kapangyarihan ang mga labor compliance officer na mag-imbestiga sa mga paglabag salig na rin sa Department Order No. 183 o Revised Rules on the Administration and Enforcement of Labor Laws.

Ilan sa mga establisimyento na nakitaan ng paglabag gaya ng paggamit sa tindahan bilang sleeping quarters ay binigyan naman ng pagkakataon na itama ang kanilang mga pagkukulang.

Sa rekord ng DOLE, mayroong 152 pyrotechnic establishment sa Bocaue at Sta. Maria, Bulacan.

Hinihintay pa ng DOLE ang ulat na magmumula naman sa iba pang rehiyon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?