62

May 25, 2018 @ 10:43
By

Puyat ng DOT, Castriciones ng DAR sasalang na sa CA

Haharap na sa Commission on Appointments (CA) sa Martes sa susunod na linggo si Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat.

Balik-salang naman sa komisyon si Agrarian Reform Secretary John Rualo Castriciones.

Ihahabol ang dalawa bago mag-sine die adjournment ang Kongreso sa Hunyo 1.

Ayon kina Senators Grace Poe, Bam Aquino at Juan Miguel Zubiri na pawang mga miyembro ng CA, tiyak nang banayad at agad na lulusot si Puyat sa CA dahil subok na ang kredibilidad at track record nito sa trabaho.

Nabatid sa CA na walang nagparehistro na oppositor o tutol sa kumpirmasyon nito.

Si Puyat ay pumalit kay dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo na napilitang magbitiw sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian kung saan kabilang ang umano’y pag-aprub na magbayad ang Department of Tourism (DOT) ng P60 million para sa patalastas sa TV program ng mga kapatid.

Samantala’y tatlo ang oppositor o kontra sa nominasyon ni Castriciones sa Department of Agrarian Reform (DAR) bukod sa may ilang miyembro ng CA na marami pa umanong isyu sa kuwalipikasyon at track record nito.

Ipinasusumite pa rin dito ang mga agrarian reform cases na hinawakan nito nu’ng nasa private practice bilang abogado.

Si Castriciones ang pumalit kay dating DAR Secretary Rafael Mariano na ni-reject ng CA.

Kapag hindi nadesisyunan ng CA ang kanilang nominasyon sa susunod na linggo, kailangan silang italagang muli ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?