57

Oct 19, 2017 @ 16:42

PUV modernization plan, magulo – transport groups

Nakikiusap ang iba’t ibang grupo ng transportasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board(LTFRB) na itigil muna ang implementasyon ng Public Utility Vehicle(PUV) modernization program.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi nina George San Mateo ng PISTON, Efren de Luna ng ACTO, Zeny Maranan ng FEJODAP, Boy Vargas ng ALTODAP at Joseph Abeleda ng L-TOP na suportado nilang lahat ang modernisasyon.

Pero ayon kay Maranan, dapat ihinto muna ang Omnibus Franchise kung saan nakapaloob ang PUV modernization dahil marami pa umano silang hindi naiintindihan.

Mabigat din anya ang plano na pagsama-samahin sa fleet ang mga pampasaherong jeep dahil kawawa dito ang single proprietor.

Sinabi naman ni de Luna na maraming nakakatakot sa programa dahil may balita pang suswelduhan na lamang ng P500 kada buwan ang mga tsuper at pamimiliin pa sila kung ang gagamiting fuel ay solar, euro o kuryente.

Para naman kay Vargas, alalahanin din sa kanila ang ibibigay na pautang ng gobyerno na may 6% na interes..

Hiniling nito sa mga kongresista na baka pwedeng mamagitan at tumulong na mapababa ang interes sa 3% lamang. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?