83

Dec 15, 2017 @ 14:24
By

Pusher, nilaglag ng kaibigan dahil sa droga

Nasakote ng pulis ang isang notoryus na pusher na taga-Manggahan matapos ang isinagawang drug buy-bust operation at nang ilaglag ng kanyang kaibigan, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.

Kulong ngayon sa Pasig detention cell si Noli Macabenta, nasa hustong gulang at residente ng Napico, Manggahan at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o illegal possession of drugs.

Batay sa report, naaresto ang suspek bandang alas-otso ng gabi sa kahabaan ng Lanzones Ext., Napico St., habang nasa labas ng kanyang tinutuluyang bahay ang suspek.

Nabatid na umaktong poseur buyer ang isang pulis at bumili ng droga sa suspek.

Bigla na lang umanong nagtatakbo ang suspek nang makatunog na may nakapalibot na pulisya sa kanilang lugar at nang makita rin ang ilang kaibigan na nagmamadali upang magtago.

Nagawang magtago ng suspek sa bahay ng kaibigan na nakilala lamang sa tawag na ‘Kano’ subalit isinuplong siya nito at ipinaalam sa mga barangay na nagtatago si Macabenta sa loob ng kanyang bahay.

Hindi na nakapalag pa si Macabenta makaraang ibenta siya ng kaibigan at makuhanan ng apat na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng shabu at P200 buy-bust money.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?