577

Nov 1, 2017 @ 9:27

Puntod nina FPJ, Dolphy, Nida, German, Rico Yan, box-office hit pa rin

Ni RUEL MENDOZA

Tuwing All Saints’ Day, hindi lang ang mga namaalam nating mga kamag-anak at kaibigan ang naaalala natin. Kasama na rito ang mga sikat na artista, lalo na ang mga naging idolo natin sa matagal na panahon.

Kaya naman ang kanilang mga tagahanga, patuloy pa rin na binubuhay ang alaala ng kanilang mga yumaong paboritong artista sa pagdalaw sa kanilang mga puntod tuwing Araw ng Patay.

Kabilang sa tinatawag na box-office ang attendance ng fans tuwing Araw ng mga Patay sa puntod ng mga yumaong superstars na sina Fernando Poe, Jr., Dolphy, Nida Blanca, German Moreno at Rico Yan.

Da King buhay na buhay kay Coco

Thirteen years na simula noong sumakabilang-buhay ang tinaguriang Da King of Philippine Movies na si Ronald Allan Kelley Poe o mas kilalang bilang si Fernando Poe, Jr. a.k.a. FPJ.

December 2004 noong isugod sa St. Luke’s Medical Center si FPJ dahil biglang nahilo, nagsuka at nawalan ng malay ito sa isang Christmas party sa FPJ Compound.

Inatake sa puso at na-comatose si FPJ hanggang sa tuluyan na itong namaalam. Ang cause of death ni Da King ay cerebral thrombosis with multiple organ failure.

Ngayon ay inaalala na lang si FPJ ng marami dahil sa mga pelikulang ginawa niya na pinapalabas sa telebisyon at sa ilang mga special film festivals.

Binigyan buhay din ang isa sa hit movies ni FPJ na Ang Probinsyano ng ABS-CBN 2 na pinagbibidahan ni Coco Martin. Isa ito sa top-rating primetime shows ng Kapamilya network sa ikawalang taon nito.

Si Coco nga ba ang bagong FPJ?

Dolphy miss na miss ng mga bata tuwing Pasko

Limang taon na ang nakalipas noong mamaalam naman ang nag-iisang King of Comedy na si Dolphy o Rodolfo Vera Quizon, Sr. sa tunay na buhay.

July 2012 noong pumanaw si Dolphy dahil sa sakit na chronic obstructive pulmonary disease and acute renal failure sa Makati Medical Center.

Isa si Dolphy sa matatawag na pinaka-successful na comedian ng Pelikulang Pilipino dahil sa pagbigay niya ng aliw sa marami for more than 50 years. Humakot din ito ng maraming awards dahil sa kanyang long-running sitcoms na John En Marsha at Home Along Da Riles.

Nabubuhay ang legacy ni Dolphy sa kanyang 17 anak, kasama na rito ang mga award-winning actors na sina Eric Quizon at Epy Quizon.

Maraming tagahanga ni Dolphy ang nami-miss ito dahil tuwing Pasko ay may pelikula itong pinapalabas sa Metro Manila Film Festival na nagiging top-grosser parati.

Nida palaisipan pa rin ang pagkamatay

Misteryo naman ang pagkamatay ng award-winning actress na si Dorothy Acueza Jones o mas kilala bilang si Nida Blanca.

November 2001 noong biglang sumabog ang balitang natagpuang patay na si Nida sa loob ng kanyang kotse sa parking lot ng isang building sa Greenhills, San Juan.

Brutal ang pagkamatay ni Nida dahil nagtamo ito ng 13 stab wounds sa kanyang katawan.

Unang naging suspect sa murder ng isa sa Movie Queens ng Philippine Cinema ay ang mister nitong si Rod Strunk. Ayon sa imbestigasyon, nag-hire raw si Rod ng isang hitman para patayin si Nida dahil nalaman nito na tinanggal siya sa will ng aktres dahil sa mga naging bisyo nito sa alak at pagsusugal.

Iniwan ni Nida ang tinatayang P85 million worth of properties sa kanyang nag-iisang anak na si Kaye Torres.

Tumagal ang kaso na ito sa pagkamatay ni Nida hanggang sa ma-case closed na ito dahil ang prime suspect na si Strunk ay nag-commit ng suicide sa California noong 2007. Ang diumanong hitman na kinuha ni Strunk na si Phillip Medel ay namatay sa kulungan noong 2010 dahil sa sakit na sepsis.

Hanggang ngayon, 16 years na ang nakakaraan, palaisipan pa rin sa marami ang pagkamatay ng isa sa pinakamahusay na aktres ng Pelikulang Pilipino.

Kuya Germs patuloy na inaalala ng mga big stars

Ang buong bansa, pati na ang mga kababayan natin sa iba’t ibang bansa ay nalungkot sa pagpanaw ng nag-iisang Master Showman na si German ‘Kuya Germs’ Moreno noong January 2016.

Isa nga sa mga haligi ng Philippine Entertainment Industry si Kuya Germs dahil sa kanyang pag-discover ng mga bagong talents sa pamamagitan ng kanyang mga naging shows na That’s Entertainment, GMA Supershow at Walang Tulugan with the Master Showman.

Sa pagtrabaho niya bilang isang janitor sa Clover Theater noong 1957, nabigyan siya ng break na maging isang artista sa entablado na siyang nagdala sa kanya sa pagiging isang komedyante sa mga pelikula ng Sampaguita Pictures noong 1963.

Hanggang sa marating niya ang estado na isa na siya sa influential na personalidad ng showbiz, hindi tumigil si Kuya Germs sa pagtulong sa maraming nangangarap na maging isang artista.

Tinatag pa niya ang Walk of Fame sa Eastwood City bilang pagbigay tribute niya sa maraming local celebrities natin sa TV, pelikula at entablado.

Taong 2015 noong unang ma-stroke si Kuya Germs at ilang buwan din siyang hindi napanood sa telebisyon dahil sa kanyang naging kalagayan.

Noong bumuti na ang kanyang kalagayan, sinubukan niyang bumalik sa kanyang show dahil nami-miss na niya ito.

January 2016 nang muling ma-stroke si Kuya Germs at hindi na siya naka-recover rito. Tuluyan nang namaalam si Kuya Germs sa edad na 82.

Kahit nawala na si Kuya Germs, patuloy na inaaala siya ng kanyang mga natulungang sumikat na mga artista at lahat sila ay nagsasabi na malaki ang utang na loob nila sa nag-iisang Master Showman.

Rico Yan buhay na buhay pa rin sa fans

Isa sa pinaghihinayangan ng marami ay ang pagkamatay ng aktor na si Rico Yan noong 2002 sa edad na 27.

Papaganda na ang TV and movie career ni Rico nang biglang mabalitaan ang kanyang biglang pagkamatay habang nagbabakasyon ito sa Dos Palmas resort sa Puerto Prinsesa, Palawan.

Produkto ng unang Star Circle si Rico Yan noong 1995 at mabilis siyang naging leading man sa maraming TV shows ng ABS-CBN 2. Pinartner din siya kina Judy Ann Santos at Claudine Barretto.

Mabilis ang pagsikat ni Rico kaya hindi nakakapagtaka na kunin siya bilang endorser ng maraming produkto. Naging young entrepreneur at spokesperson din para sa kabataan ng isang kilalang religious group.

Pero lahat ng achievement na iyan ni Rico ay biglang natigil dahil sa maagang pagkamatay niya.

Ayon sa autopsy, ang kinamatay ni Rico ay cardiac arrest caused by acute hermorrhagic pancreatitis while asleep or nabangungot ito.

Labing limang taon na ang nakakaraan, pero nandiyan pa rin ang mga fans ni Rico at naaalala siya tuwing All Saints’ Day.

Hindi pa rin nila malimutan ang mga dimples nito tuwing ngumingiti at forever na iyon tatatak sa alaala nila sa mabait at matulunging aktor.

Alalahanin natin sina Daboy, Chiquito, Panchito, Julie Vega atbp…

Bukod sa limang nabanggit, maganda ring alahanin ang iba pang mga celebrities na namaalam na.

Hindi man sila naabutan na ng mga millennial, pero mabubuhay sila sa mga nagawa nilang mga pelikula at TV shows.

Alalahanin natin ang mga tulad nila Charito Solis, Dindo Fernando, Mark Gil, Atang dela Rama, Romy Diaz, Paquito Diaz, George Estregan, Rudy Fernandez, Bella Flores, Ace Vergel, Chiquito, Tiya Pusit, Anthony Alonzo, Zaldy Zhornack, Chat Silayan, Dencio Padilla, Jaime dela Rosa, Julie Vega, Leopoldo Salcedo, Luis Gonzales, AJ Perez, Panchito, Redford White, Juancho Gutierrez, Johnny Delgado, Johnny Vicar, Jay Ilagan, Vic Silayan, Pancho Magalona, Tita Duran, Ricky Belmonte, Ike Lozada, Inday Badiday, Liezel Martinez, Chinggoy Alonzo, Baldo Marro, Estrella Kuenzler, Tyron Perez, Marky Cielo, Ray Ventura, Lito Anzures, Johnny Wilson, Ritchie D’Horsie, Zeny Zabala, Alicia Vergel, Palito, Cecille ‘Dabiana’ Inigo, Miko Sotto, Donna Villa, Tado, Zorayda Sanchez, Ama Quiambao, Ramgen Revilla, Jimboy Salazar, Elizabeth Ramsey, Roldan Aquino, Ten-Ten Munoz, Julia Buencamino, Alfie Anido, Lilia Cuntapay, Joy Viado, Dick Israel, Blakdyak at Lolita Rodriguez.

Pati na rin ang mga yumaong direktor ng pinilakang tabing na sina Lino Brocka, Ishmael Bernal, Celso Ad Castillo, Danny Zialcita, Gil Portes, Mario O’Hara, Marilou Diaz-Abaya, Emmanuel Borlaza, Eddie Romero, Joey Gosiengfiao, Cirio Santiago, Soxy Topacio, Leroy Salvador, Eddie Rodriguez, Boots Plata, Pablo Santiago, Abbo dela Cruz, Ben Feleo, Willy Milan, Deo Fajardo, Jr., Khryss Adalia, Ike Jarlego, Jr., Tata Esteban, Don Escudero, Wenn Deramas and Francis Pasion.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?