32

May 18, 2021 @ 16:51
By

Puno excited na maglaro si Kouame sa Gilas

Pinuri ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Roberto Puno ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isabatas ang panukala na gawing Filipino citizen si Ange Kouame, na inaasahang magpapalakas sa Gilas Pilipinas.

Ayon kay Puno, makakasama na si Kouame sa paglaban ng Gilas sa paparating na FIBA Olympic Qualifying Tournament (OQT) na gagawin mula Hunyo 29 hanggang Hulyo 4 sa Belgrade, Serbia.

“His naturalization also comes at such an opportune time and I am excited to see how his presence will change the game for Gilas this year,” sabi ni Puno, na may-akda ng panukala sa Kamara de Representantes upang maging Pinoy si Kouame.

Habang naghihintay, si Kouame o Kakou Ange Franck Williams Kouame ay nagsasanay na kasama ang Gilas. Siya ay may taas na 6’10” at sentro ng Ateneo Blue Eagles na tubong Ivory Coast.

Si Kouame ang kauna-unahang foreign student-athlete sa bansa na nanalo ng Rookie of the Year noong 2018 at naging instrumento sa 16-0 victory ng Ateneo Blue Eagles sa 82nd Season ng UAAP.

Kapag nagtagumpay sa Qualifying Tournament, maglalaro ang Gilas sa Tokyo Olympic Games.

Nagkaroon ng pagkakataon ang Pilipinas na makalahok sa OQT matapos na umatras ang New Zealand.

Si Puno rin ang nasa likod ng naturalization ng dating Los Angeles Lakers draftee na si Marcus Douthit at NBA veteran Andre Blatche, na kapwa naglalaro sa Gilas Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?