176

By

Puna ng mga eksperto: Cayetano pinapagpag si Romualdez

MANILA – Hindi pa man pormal na nanunungkulan bilang Speaker, gumawa na agad ng hakbang si Taguig-Pateros Cong. Alan Peter Cayetano upang umano’y maetsapuwera si incoming House Majority Floor Leader Ferdinand Martin Romualdez sa “chain-of-command” ng liderato ng Kamara.

Ito ay matapos ianunsyo ni Cayetano nitong Huwebes na kanyang itatalaga si dating House Majority Floor Leader at kasalukuyang Mandaluyong Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II bilang Deputy Speaker for Internal Affairs sa pagsisimula ng ika-18 Kongreso sa Hulyo 22.

“A Deputy Speaker for Internal Affairs, si Cong. Boyet, so that ‘yung mga tingin ni Martin na kailangan hindi na ako ang mag-approve, dinedicate ko na kay Boyet,” saad Cayetano.

“(Yung) mga tingin ni Martin na kailangan ako mismo, we’re a phone call away, so I hope this is the more, so if its work, then we have given more authority to more congressmen, and it might stand a good system,” dagdag pa ng kongresista

Ayon sa ilang tagamasid sa Kamara, posibleng masapawan ang dapat sana’y makapangyarihan na pwesto ni Romualdez sa pagkakatalaga ni Cayetano kay Gonzalez dahil ang tungkulin ng isang Deputy Speaker for internal affairs ay halos di iba sa Majority Floor Leader kung pagbabasehan ang mga nakagawian ng tradisyon sa Mababang Kapulungan.

Babala ng political analyst na si Prof. Dennis Coronacion ng UST Political Science Department, ang nasabing hakbang mula kay Cayetano ay posibleng makasira na una nang napagkasunduan nitong Lunes sa Malacañang.

“It also puts doubt on Cong. Cayetano’s sincerity to abide with the agreement,” saad ni Coronacion.

Nitong Lunes, isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang term-sharing sa pagka-Speaker sa pagitan ng mga nagbabangayang kongresista kabilang na sina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco samantalang si Romualdez ang magiging Majority Floor Leader.

Dagdag pa ni Coronacion, posibleng maraming kongresista ang madismaya sa bagong gimik ni Cayetano lalo na ang mga tagasuporta ni Romualdez na solid pa rin sa likod niya.

Ayon naman kay Ateneo School of Government Prof. Edmund Tayao, hindi dapat bigyan ng rason ni Cayetano ang kanyang kasamahan para isuka siya ng ganito kaaga.

“He shouldn’t wanna give more reason to the other side to cast him aside,” saad ni Tayao.

“Kung hindi siya tutupad sa agreement, babagsak ang coalition. Pati siya yari.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?