236
arrested-kalaboso-arestado-huli
Jan 28, 2019 @ 16:06

Pumatay sa clerk ng Taytay Municipal Hall, arestado

Nasa kamay na ng Quezon City Police District (QCPD) ang water delivery boy na pumaslang sa clerk ng Taytay Municipal Hall makaraang matunton sa kanyang pinagtataguan sa Rizal kaninang madaling-araw.

Kinilala ni QCPD Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang suspek na si Joven Evasco, 19, ng Taguite Cupang, Antipolo City.

Siya ang itinurong pumatay kay Salvador Alcantara sa loob ng Room 2F No. 97 14th Ave., Brgy. Socorro, Murphy, Cubao, QC.

Nabatid sa imbestigasyon na dakong alas-kuwatro ng madaling-araw naaresto si Evasco sa Marilaque cor. Sumulong Highway, Brgy. Cupang.

Magugunitang ang duguang bangkay ni Alcantara ay nadiskubre ng mga awtoridad dakong alas-9:30 ng umaga noong Enero 20, 2019 sa inuupahang kuwarto sa Brgy. Socorro, Murphy.

Ang pagkakatagpo sa duguang bangkay ni Alcantara na tadtad ng saksak ay ipinagbigay-alam sa pulisya ng barangay officials ng Murphy, Cubao.

Si Evasco ay nakapiit ngayon sa detention cell ng CIDU ng QCPD makaraang sampahan sa QC Prosecutor’s Office ng kasong robbery with homicide at estafa. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?