663

Jan 9, 2022 @ 17:30
By

Pumaslang sa barangay Ex-O sa Cavite may P300K patong sa ulo

Inanunsyo ni Bacoor City, Cavite Mayor Lani Mercado-Revilla na P300,000 ang pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magbubunga sa pagkaka-aresto sa pumaslang kay Exequiel I. Muncal, dating Ex-O ng Barangay Molino 3 sa naturang lungsod.

Si Muncal ay inambus ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek lulan ng mga motor at naka-uniporme pa umano ng mga motorcycle courier Sabado ng gabi, Enero 8, 2022 sa Camella Central, Molino 3.

Tinawag naman ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang atensyon ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Chief PNP PGen. Dionardo Carlos sa patong-patong na kaso ng election-related violence na naganap ‘di pa man nag-uumpisa ang opisyal na election period.

“Kung tutuusin, January 9 pa ang umpisa ng official election period, pero grabe na ang election violence umpisa pa last year,” ani Revilla.

“Naiintidihan nating nasa isolation si Chief PNP Carlos dahil nag-positive siya sa COVID, ngunit hindi naman dapat tumitirik ang organisasyon dahil diyan,” diin pa nito.

Ipinunto pa ng senador na batay sa inisyal na imbestigasyon, tila may nakaka-ranggong pulis ang may kinalaman sa pagpaslang kay Muncal.

“Mahirap na magsiwalat ng impormasyon hangga’t hindi tapos ang imbestigasyon. Pero dapat ipakita ng Cavite police at ng buong pulisya na hindi nila kinukunsinti ang ganitong mga pangyayari – that they are on top of the situation at hindi nila hahayaang lumala pa ang karahasan sa paparating na halalan,” sabi ng senador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?