452

Oct 29, 2019 @ 15:33

Pumanaw sa suicide na Fil-Am ilang beses sinabihang magpakamatay ng dyowa

Matapos paulit-ulit sabihing “go die” o “go kill yourself,” kinasuhan ng involuntary manslaughter ang girlfriend ng isang Filipino-American na namatay sa sucide nitong Mayo 2019.

Ito ang binalita ng mga prosecutor ng Massachusetts sa isang news conference, na “inabuso” at “kinontrol” ni Inyoung You ang dyowa na si Alexander Urtula sa loob ng 18-buwang relasyon.

Ayon sa mga awtoridad, higit 47,000 text message ang pinadala ni You kay Urtula, dalawang buwan bago ito magpakamatay. Karamihan sa mga text ay tungkol sa paghikayat na mamatay o magpakamatay na ang lalaki.

“Many of the messages display the power dynamic of the relationship, wherein Ms. You made demands and threats with the understanding that she had complete and total control over Mr. Urtula both mentally and emotionally,” saad ni Suffolk District Attorney Rachael Rollins, sa ulat ng Associated Press.

Dagdag ni Rollins, nilayo ni You si Urtula mula sa mga kaibigan at pamilya nito, at alam nito ang dinudulot niyang depression at mga suicidal thought sa lalaki.

Nagtapos ng biology major si Urtula at aktibo siyang miyembro ng Philippine Society of Boston College, isang organisasyon ng mga Fil-Am student.

Dapat ay dadalo ang Fil-Am sa graduation, Mayo 20, nang tumalon mula sa isang parking garage at mamatay sa suicide.

Napag-alaman nina Rollins na tina-track ni You si Urtula at malapit lang sa lugar ng lalaki nang gawin ang suicide.

Sa ngayon, nasa hometown South Korea si You at patuloy pa ang pag-uusap ng mga prosecutor sa abogado ni You upang pabalikin ito sa Amerika. Kung hindi man umano kusang bumalik ay sisimulan na nina Rollins ang extradition process.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?