115

Mar 18, 2020 @ 20:42
By

Pumanaw na pulis, kumpirmadong may COVID-19

Kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na isang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa Maynila na pumanaw noong Sabado, Marso 14 ang positibo sa COVID-19.

Ayon kay Police Brig. Gen. Debold Sinas, hepe ng NCRPO, nakumpirma ito matapos ang isinagawang medical test noong Martes, Marso 17.

Namatay dahil sa respiratory failure ang pulis.

Bago siya nasawi, nakaranas umano ito ng matinding pag-ubo.

Marso 4, inireklamo umano ng pulis ang pamamaga ng kaniyang tonsils bago siya nagpatingin sa FB Harrison Hospital sa Pasay City.

Nakauwi pa sa Cavite ang pulis noong Marso 6 kasama ang kanyang pamilya pero kinabukasan ay sinugod siya sa Divine Grace Hospital kung saan siya na-diagnose ng lagnat at viral infection.

Umuwi ang pulis sa kanyang pamilya sa Maynila noong Marso 8 pero kinabukasan ay dinala umano siya sa Adventist Medical Center Manila sa Pasay kung saan siya na-diagnose ng tonsil infection at posibleng pneumonia.

Na-admit ang pulis sa Adventist Medical Center Manila hanggang sa namatay noong Marso 14.

Samantala, mananatili muna sa kanilang opisina para mag-quarantine ang lahat ng tauhan ng CIDG-Manila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?