169

Dec 19, 2017 @ 13:22
By

Pulis vs pusher: 2 patay, 1 pa sugatan

Kapwa dead on arrival sa pagamutan ang isang pulis at drug pusher habang sugatan naman ang isa pang pulis makaraang magsagawa ng surveillance ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit at Follow-Up operatives sa isang kilalang drug personality na nauwi sa madugong habulan at barilan na naganap sa Katarungan St., Pasig City kamakalawa ng hapon.

Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ng Eastern Police District, nakilala ang mga nasawi na sina Police Officer 3 Wilfredo Gueta na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib at ang suspek drug pusher na si Roberto Liaguno, na nagtamo ng apat tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Habang sugatan naman at kasalukuyang nagpapagamot sa Rizal Medical Center (RMC) si PO1 Raymond dela Cruz na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaliwang binti.

Ayon sa report, naganap ang insidente bandang alas-12:00 kamakalawa ng tanghali sa Katarungan St., Barangay Caniogan na kung saan ay talamak ang bentahan ng droga at nagsagawa ng surveillance ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit at Follow-Up operatives laban sa kilalang drug pusher sa lugar.

Nakatunog ang target watchlist ng pulisya na si Roberto Llaguno na may paparating na pulis kaya nagawa nitong makatakbo na agad na sinundan nina PO3 Gueta at PO1 Dela Cruz at doon na nagsimula ang palitan ng putok hanggang sa dalawa ang tumumba at isa ang sugatan.

Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang sachet ng iligal na droga, drug paraphernalia at ilang cartridge cases mula sa gamit ng suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?