157
ABANTE TNT pulis baril patay dead crime sekyu
Jan 8, 2018 @ 17:07

Pulis tinodas ng sekyu sa beach resort

Patay matapos barilin ng isang sekyu ang pulis na kanyang hinabol dahil sa pagbaril sa isa pang guest sa Canonoy Beach Resort sa Barangay Gargato, Hinigaran, Negros Occidental.

Kinilala ang namatay na si PO2 Britches Talapiero, 36, ng Barangay Granada, Bacolod City, na nakatalaga sa Bacolod City Police Station 5, sa ulat ng SunStar.

Nasugatan naman dahil sa pagbaril ng pulis si Leslie John Dojello, 22, ng Sitio Linandan, Barangay Anahaw, Hinigaran.

Ayon kay Chief Insp. Jake Barila, hepe ng pulisya sa lugar, nagkaroon ng sagutan si Dojello at nakababatang kapatid ni Talapiero dahil umano sa bastos na pagbati ng huli sa una.

Pareho umanong nakainom ang dalawang grupo na nagkabanggaan sa resort.

Kinumpronta ng pulis si Dojello matapos magsumbong ang kapatid nito hinggil sa nangyaring sagutan.

Dito’y walang sabi-sabing binaril ni Talapiero ng dalawang beses sa likod si Dojello gamit ang kanyang service firearm saka tumakas ngunit hinabol siya ng security guard ng resort na nakilalang si Joey Belenario, 39, ng Barangay Anahaw.

Sabi ng hepe, sinubukang arestuhin ng sekyu si Talapiero pero tinangka siyang barilin ng pulis kaya napilitan siyang paputukan ito.

Sa imbestigasyon ng pulisya, tumakbo para humingi ng saklolo si Talapiero nang habulin siya ni Belenario.

Agad dinala sa ospital ang pulis pero idineklarang patay na, habang stable na ang lagay ni Dojello na nagpapagaling sa isang ospital sa Bacolod City.

Kusa namang sumuko ang guwardiya na si Belenario at nakakulong na sa istasyon ng pulisya habang inihahanda ang ikakaso laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?