46

Mar 12, 2020 @ 16:12
By

Pulis timbog sa pangingikil sa aplikante

Huli ang isang aktibong pulis ng Tayug Polic Station (TPS), Pangasinan na nanghuthot ng pera sa isang aplikante sa pagkapulis sa nasabing bayan noong Martes ng gabi.

Kinilala ni TPS officer-in-charge P/Maj. Arnold Soriano ang suspek na si P/Executive Master Sgt. Marlon Aguilar, 39, ng Barangay Camantiles, Urdaneta City, nakatalaga sa TPS.

Ayon sa ulat ni Soriano kay Pangasinan Provincial Police Office (PPPO) director P/Col. Redrico Maranan, ang pag-aresto kay Aguilar ay nag-ugat sa reklamo ng isang aplikante sa pagkapulis na naturang bayan.

Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang TPS intelligence unit at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) at dinamba si Aguilar matapos tanggapin ang entrapment money sa isang undercover agent.

“Allegedly, the suspect (Aguilar) was asking money from the applicant who was applying for a slot in the PNP,” ani Soriano.

Ayon sa TPS, si Aguilar umano ay humihingi ng P60,000 hanggang P80,000 sa complainant na lalaki, na hindi na binanggit ang pangalan, para siguradong makapapasok sa Philippine National Police (PNP).

Sa ngayon, ang pulis na suspek ay nakakulong sa TPS detention station at kakasuhan ng extortion at iba pang kasong administratibo at kriminal.

“We will continue our internal cleansing. We need to clear our ranks of these people,” wika pa ng opisyal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?