804

By

Pulis sa Carl-Kulot murder, tigok sa ospital

Namatay sa ospital ang pulis na isa sa mga suspek sa pagpatay kay Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Ayon sa defense counsel na si Atty. Dodjie Encinas, pumanaw si Patrolman Ricky Arquilita noong Sabado de Gloria sa edad na 33.

Batay umano sa death certificate ni Arquilita, binawian ito ng buhay dakong alas-3:26 ng madaling-araw dahil sa malaking pagkawala ng dugo, upper gastrointestinal bleeding, multiple liver nodules at gallstones sa kanyang gallbladder.

Kamakailan umano ay mukha nang may sakit si Arquilita at naninilaw na rin sa loob ng kulungan.

Dumaan umano ito sa laboratory test at natagpuang may anemia, ascending cholangitis at posibleng reactive Hepatitis B.

Naka-confine si Arquilita sa Valenzuela Medical Center simula pa Marso 29 pero sumakabilang-buhay noong Sabado.

Sina Arquilita at Patrolman Jefrey Perez ang dalawang pulis na inakusahang pumatay sa 19-anyos na si Arnaiz at 14-anyos na si Kulot.

Bumili lang umano ng makakain si Arnaiz bago ito naiulat na napatay nang manlaban umano matapos mangholdap ng taxi driver sa Caloocan noong Agosto 18, 2017.

Samantala, si Kulot na kasama ni Arnaiz ay natagpuang patay din at nakabalot ng packaging tape at damit ang mukha habang lumulutang sa sapa sa Nueva Ecija noong Setyembre 6, 2017.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?