123

Feb 7, 2020 @ 14:51
By

Pulis patay sa ambush sa Leyte

Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman nitong Biyernes ng umaga sa bayan ng Hilongos sa lalawigan ng Leyte.

Sinubukan pang isugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktimang si Patrolman Ramil Aruelo, nakatalaga sa Hilongos Municipal Police Station, subalit idineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ng Leyte Police Provincial Office, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga sa kahabaan ng Barangay Lunang ng nabatid na bayan.

Lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima pauwi na sana ng kanilang bahay nang bigla na lang siyang harangin ng isang sports utility vehicle (SUV) lulan ang suspek at agad binaril ang pulis.

Base sa mga saksi, nakuha pang mabunot ng pulis ang kanyang service firearms subalit nahulog ang magazine nito kaya nakuha ulit siyang paputukan ng suspek.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek lulan pa rin ng SUV na minamaneho ng isa pang lalaki.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang paglutas sa kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?