40

Dec 30, 2019 @ 15:27
By

Pulis nanita ng sasakyan, pinagtulungang bugbugin

Sugatan ang isang pulis matapos itong pagtulungang bugbugin ng isang negosyante at delivery boy matapos nitong sitahin ang closed van ng mga suspek, Sabado bago magtanghali sa Pasig City.

Nilapatan na ng lunas sa Pasig City General Hospital ang biktimang si Police Lt. Allan Opeña, 50, habang naaresto naman ng mga awtoridad ang suspek na si Jonas Gito, 47, negosyante, habang pinaghahanap pa ang delivery boy na nakilala lang na si Jimbo Valante.

Batay sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas-11:10 ng umaga nang maganap ang insidente sa San Pedro Street, Pinalad Road, Centennial II, Nagpayong, Barangay Pinagbuhatan.

Sa imbestigasyon, bago ang insidente ay pinagsabihan umano ng biktima si Gito na ang kanyang delivery closed van na nakaparada sa lugar ay nakakaabala sa daloy ng trapiko.

Nauwi umano sa pagtatalo ang insidente hanggang sa bigla na lang suntukin ni Valante ang biktima sa ulo.

Dito na umano pinagtulungan ng mga suspek na gulpihin ang biktima na nagresulta sa pagkasugat nito.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct 8 na nagresulta sa pagkakaaresto kay Gito ngunit nakatakas si Valante na tinutugis na ng mga awtoridad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?