95

Oct 19, 2017 @ 17:16

Pulis nag-trip, binatilyo sinakal

Dahil sa epekto ng alak sa utak, nawala sa katinuan ang isang pulis at napagdiskitahan ang isang binatilyo sa Pasay City kamakalawa ng gabi.

Gulpi-sarado ang isang binatilyo matapos saktan ng pulis sa may St. Catherine, Maricaban, Pasay City.

Ayon kay William Vallejo, ama ng biktima, naglalakad sa St. Catherine St., Maricaban at pauwi na ang kanyang 12-anyos na anak mula sa computer shop nang mangyari ang insidente.

Sinabi nito na si PO3 Ferdinand Dator, nakatalaga sa Southern Police District (SPD)-Public Safety Battalion, ay nasa labas ng kanyang bahay nang mapagtripang buhusan ng tubig ang dumadaan na biktima.

Nang makakita ng bote ang binatilyo ay dinampot niya ito at kunwaring gagantihan si Dator.

Sa puntong ito, sinakal na ng suspek ang biktima at pinagalitan dahil sa hindi paggalang sa kanya.

Nakakuha ng tiyempo ang binatilyo na kagatin sa tagiliran si Dator kaya’t nakawala siya at muli siyang binuhusan ng tubig ng nagpupuyos na sa galit na pulis.

Kasunod nito ay hinataw ng suspek ang kaaway na biktimang itinago sa pangalang Jason, na nagkasugat sa kanyang mukha.

Nang makauwi ay nagsumbong ang biktima sa mga magulang, na agad naman siyang dinala sa Pasay City Police Station para maghain sila ng pormal na reklamo.

Bukod sa kasong child abuse ay maaari pang maharap si Dator sa mga kasong administratibo. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?