706

Feb 10, 2020 @ 21:36

nCoV minura, gustong sampalin ni Duterte

Pinagdiskitahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu ng 2019 novel coronavirus na nakaapekto na sa maraming bansa sa mundo.

Sa kanyang talumpati sa mga lokal na opisyal na dumalo sa malawakang talakayan hinggil sa nCoV sa SMX Convention Center sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na gusto niyang sampalin ang coronavirus dahil sa takot na idinudulot nito sa publiko.

Marami na aniyang bansa ang naapektuhan dahil sa corona virus at maging ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa ay naapektuhan na rin dahil sa pagkalat nito.

“Alam mo kung hindi natin kaya itong putang inang idiot na coronang ito, hinahanap ko, gusto kong sampalin ang gago,” anang Pangulo.

Naiinip na rin ang Pangulo sa paghihintay ng vaccine na maaring makapuksa sa corona virus.

Dapat aniyang bilisan ng mga mananaliksik ang pagtuklas ng pangontra sa virus para maalis na ang pangamba at takot ng maraming tao.

Pero kung sakali aniyang mas lumala pa ang problema , sinabi ni Pangulong Duterte na gagamitin niya ang mga pulis at sundalo para mapanatili ang kaayusan sa bansa.

“We are a nation, at least we have our doctors, they should work overtime, the researchers to come up with a vaccine. Pero ‘pag pandemic talaga, then I will have to utilize for an orderly and obedience people, the military and the police,” dagdag ng Pangulo.

Muling tiniyak ni Pangulong Duterte na kontrolado ng gobyerno ang sitwasyon laban sa banta ng coronavirus at nakahandang harapin ang ano mang hamon sakaling lumala ang sitwasyon.

“I would like to assure all Filipinos that the national government remains to be on top of the threat of the coronavirus. We are prepared to handle this public health emergency in case the worst scenario happens,” wika pa ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?