130

By

Pulis-Makati pisak sa cargo truck

Namatay kalaunan sa ospital ang isang pulis na nakatalaga sa Makati Police Community Precinct 4 matapos siyang masagasaan ng cargo truck nitong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ng Makati Police Criminal Investigation Division ang biktima na si Patrolman Francis Rada Ecalner, 25.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na sakay si Ecalner ng kanyang motorsiklo at binabagtas ang kahabaan ng northbound lane ng South Super Highway dakong alas-siyete ng umaga nang bigla itong masagi at pumailalim sa isang cargo truck na minamaneho ni John Paul Lansang, 24.

Nagulungan ng trak ang kanyang ulo at nadurog ito.

Naitakbo pa siya ng mga miyembro ng Lifeline Rescue Ambulance sa Taguig-Pateros District Hospital pero namatay kalaunan.

Dinala naman sa Philippine National Police-Highway Patrol Group headquarters para maimbestigahan si Lansang.

Mahaharap siya sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?