77

Oct 18, 2017 @ 0:00

Pulis kritikal sa van

Isang pulis ang nasa kritikal na kondisyon makaraang aksidenteng mabangga ng isang L-300 van na nawalan ng kontrol habang bumabagtas sa kahabaan ng Barangay Lias, Marilao,Bulacan kamakalawa.

Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si PO1 Mark Mendoza, nakatalaga sa Marilao police station na kaagad isinugod sa pagamutan at kasalukuyang inoobserbahan bunga ng tinamong mga sugat sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan.

Si Mendoza ay kasama sa mga pulis na magbabantay sa isinagawang dry run ng ASEAN summit sa darating na Nobyembre.

Nasa kustodiya naman ngayon ng pulisya ang driver ng puting van na si Marcial Mayola na nahaharap sa kasong kriminal matapos na mawalan ng kontrol ang kanyang minamanehong sasakyan.

Sa imbistigasyon ng pulisya, sinasabing mayroong iniwasang sasakyan ang si Mayola habang tumatahak sa kahabaan ng Mac-Arthur Highway sakop ng Barangay Lias, Marilao at dahil madulas ang kalsada ay hindi kumagat ang preno.

Dito na aksidenteng nabangga ng kanyang sasakyan si PO1 Mendoza na napuruhan sa ulo at katawan na isinugod ng kanyang mga kabaro sa ospital.(Jun Borlongan)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?