107
shabu5
By

Pulis, kagawad, 3 pa dakma sa P3.4M shabu

Buking ang pagtutulak ng droga ng isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at isang kagawad ng barangay habang tatlo pa ang nadakip matapos mahuli sa ikinasang buy-bust operation Biyernes ng umaga sa San Jose District, Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Nakuhanan sila ng mahigit P3.4 milyong halaga ng shabu.

Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Zamboanga del Sur head Cesario Judilla Jr., ang mga suspek na sina P/Sr. Master Sgt. Ricky Usman Sabturani, nakatalaga sa Basilan Police Provincial Office; Omar Sadon, kagawad ng Barangay Bayanga Norte , Matanog, Maguindanao; Jam Macaraya; Daniel Kusain; at Amis Juma Anas.

Naaresto ang lima matapos magbenta ng iligal na droga sa isang pulis na umaktong buyer alas-10:00 ng umaga sa national highway ng San Jose District.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang 18 malalaking sachet na naglalaman ng shabu na umaabot sa halagang P3.4 milyon at siyam na bundle ng marked money na nagkakahalaga ng P900,000.

Paliwanag ng kagawad na si Sadon, naaya lamang siya na magmaneho dala ang kanyang van na may plakang DAK-1806 mula Maguindanao patungo sa siyudad at hindi niya umano alam na droga ang transaksyon ng kanyang mga kasama.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kaugnay sa pagkakasangkot ng pulis na si Usman na nahaharap ngayon sa kasong administratibo habang nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasalukuyang nakakulong sa Pagadian detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?