73

Mar 8, 2020 @ 14:34
By

Pulis ginawang personal driver ang preso, swak

Magkasunod na inaresto nitong Sabado ang isang pulis na nasa tupadahan sa Pangasinan, at isang Norzagaray, Bulacan police official na ginawang bilang personal drayber ang isang bilanggo.

Sa ulat ni Police Col. Ronald Lee, hepe ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), kinilala ang unang pinosasang pulis na si Police Staff Sgt. Sherwin Salazar, nakatalaga sa Pangasinan Police Office (PPO).

Tinimbog din ng ahensya si Police Captain Wilfredo Dizon Jr., deputy chief of police ng Norzagaray, Bulacan, matapos nitong gamiting personal drayber ang presong si Resty Cabacang, 49, na mayroong kasong serious physical injuries.

Ayon kay Lee, naaresto ng PNP-IMEG si Salazar dakong alas-8:30 ng gabi nitong Sabado habang nagsasagawa ito ng tupada sa JBC Cockpit Arena sa Tayug, Pangasinan.

Napag-alaman na bago ang pagdakip kay Salazar ay bineripika muna ng PNP-IMEG ang mga ulat hinggil sa pagkakaroon ng tupada tuwing Sabado ng gabi at si Salazar umano ang pasimuno. Samantala, isa pang pulis sa bayan ng Tayug ang patuloy na iniimbestigahan ng PNP-IMEG dahil nagpapasimuno rin umano ng iligal na pasugalan sa bayan.

Dakong alas-3:25 naman ng hapon nang hulihin si Dizon habang sakay ng Norzagaray patrol vehicle na minamaneho ng presong si Cabacang, tubong Sapang Palay, San Jose Del Monte City na dapat ay nakakulong.

Ayon kay Lee, dinakip ng kanyang mga tauhan si Dizon sa harapan ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS) lulan ng Toyota hi-ace van na minamaneho ni Cabacang.

“We’re conducting an accounting of prisoners in the said police station in coordination with the Bulacan police headquarters. Again, this is a grave offense which will not be tolerated by the PNP leadership,” hayag ni Lee.

Matatandaang si Dizon din na dating hepe ng San Rafael MPS ay may dati nang mga kasong kidnapping and robbery in band kasama ang 10 nitong tauhan, na sinampa sa Department of Justice noong Hunyo 4, 2018.

Subalit kalaunan ay na-dismiss din ang kanilang kaso matapos itong bawiin ng nagreklamo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?