67

Oct 10, 2017 @ 15:15

Pulis dedo sariding in tandem

Nasawi ang isang pulis matapos tambangan ng riding in tandem sa Sampaloc, Maynila martes ng Umaga.

Nakilala ng mga otoridad ang  nasawi na si PO2 Joey Imperial na dating nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) at  nailipat sa National Capital Region Police Office o NCRPO.

Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), alas 6:45 ng umaga habang nagbabasa ng diyaryo si Imperial sa kaniyang bahay sa 2016-B, Kalatas St. Sampaloc, Maynila nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.

Dalawang tama sa dibdib malapit sa puso at isa sa kanang kamay ang natamo ng biktima.

Nakuha pa ni Imperial na tumakbo papasok ng bahay para kunin ang kanyang baril pero hindi na ito nakalabas para gumanti ng putok.

Naisugod pa ang biktima sa United Doctors Medical Center subalit ideneklarang patay ng alas 8:35 ng attending physician si Dr. Gilbert Robin.

Nabatid na ito na ang ikatlong beses na tinambangan si Imperial at siya ay nakaligtas sa unang dalawang pananambang.

Patuloy naman ang isinasagawang   imbestigasyon ng MPD para matukoy ang mga salarin at ang motibo sa pamamaslang. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?