28

By

Pulis-Caloocan, 2 kaanak nag-reunion sa kulungan

Sharing is caring!

Magkakasamang nakakulong ngayon ang isang pulis-Caloocan at dalawa nitong kamag-anak matapos mag-amok at magpaputok ng baril sa Barangay Claro, sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga suspek na si PO1 Marcos Lagui, kapatid nitong si William at pinsan na si Daniel Guillermo. Sila ay nakapiit ngayon sa QCPD sa Anonas Police Station 9.

Nabatid na nasapul sa CCTV ng barangay ang pag-iikot sa lugar ng tatlo na tila naghahanap ng away. Maging ang mga kabataan ay hinahamon ng mga ito.

Ayon sa barangay captain ng Claro na si Ronald Tagle, mayroong lalaking nilapitan ang pulis at hinamon ng away. Dito na bumunot ng baril at nagpaputok pa ng dalawang beses si Lagui. Masuwerte namang walang natamaan at nasaktan sa pag-aamok nito.

Kuwento pa ng barangay tanod na si Ruben Soriano, bago pa magpaputok si Lagui ay sinita na niya ito dahil sa kanyang panggugulo. Nagpakilala pa umano siyang tanod ngunit hindi naman siya pinansin ng pulis.

Depensa naman ng magkapatid na Lagui, may isang lalaki na naunang nanuntok sa pulis, kaya naman gumanti lamang sila dito.

Ayon pa sa pulis, bumunot lamang siya ng baril pero hindi siya nagpaputok na taliwas naman sa kuha ng isang kapitbahay kung saan maririnig ang dalawang putok ng baril.

Dahil sa naturang insidente ay mahaharap ang tatlo sa kasong alarm and scandal. Habang si Lagui naman ay magkakaroon ng kasong administratibo na isasampa sa Office of the Prosecutor.

Ayon kay Eleazar, posible ring matanggal sa pagka-pulis si Lagui.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?