41

Jul 19, 2021 @ 19:49
By

Pulis, 2 menor de edad arestado sa panghuhuli ng mga paniki

Bistado ang isang pulis at dalawang menor de edad sa iligal na panghuhuli ng mga paniki sa isang barangay sa General Santos City.

Kinilala ang mga suspek na si S/Sgt. Ibañez Faldas, 33, miyembro ng Polomolok Municipal Police Station sa South Cotabato at mga minor na tinukoy lang sa mga alyas na “Kyle”, 17, at “Carlo”, 15.

Nahuli ang tatlo dala-dala ang 59 malalaking flying fox ng mga tauhan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) bandang alas-dos ng hapon noong July 18 sa Purok Guadalupe, Barangay Conel.

Nalaman ang iligal na aktibidad ng mga suspek sa tip ng mga concerned residente sa CENRO.

Ang mga malalakingflying fox ay kabilang sa mga critical fruit bat species.

Maliban sa mga paniki, nakumpiska rin sa mga suspek ang isang 12-gauge shotgun at anim na motorsiklo.

Kakasuhan si Faldas at dalawang menor de edad sa paglabag sa “Wildlife Resources Conservation and Protection Act”.

Nasa kustodiya na ng Police Station 4 sa Barangay San Isidro si Faldas habang dinala ang dalawang minor sa Bahay Pag-Asa sa Barangay Sinawal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?