30

Oct 24, 2017 @ 11:37

Puhunan sa Pasko, naabo

NAPAPAKAMOT na lang ng ulo ang ilang negosyante na natupok ang mga paninda at ilang ari-arian sa sunog na tumupok ng pitong tindahan sa Taguig City kahapon ng hatinggabi.

Tinataya na aabot sa P100,000 ang halaga ng mga natupok sa mga tindahan sa Rodriguez at Luzon streets.

Hinihinala na sa inuupahang kuwarto ng isang lalaki na may cellphone repair shop nag-ugat ang sunog at maaring sa depektibong linya ng kuryente nagmula ang apoy.

Isang mahinang pagsabog ang narinig bago kumalat ang maitim na usok na amoy nasusunog na plastic.

Sinabi ng isang Norie Raga, na kabilang ang tindahan ng karne sa mga natupok, kabibili lang niya ng tatlong bagong freezer dahil alam niya na sisigla ang kanyang negosyo sa Kapaskuhan.

Dagdag pa nito, nasunog din ang kanyang mga de-kuryenteng timbangan.

Kabilang din sa mga nasunog ang iba pang tindahan ng karne at isang grocery store.

Umabot pa sa ikalawang alarma ang sunog bago ito naapula makalipas ang isang oras.(Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?