42

Jul 18, 2021 @ 19:53
By

Puentevella: Sara vs Pacquiao sa 2022 ugat ng gulo sa PDP-Laban

Ang posibleng sagupaan sa 2022 elections umano nina Davao City Mayor Sara Duterte at Sen. Manny Pacquiao ang ugat ng kaguluhan sa PDP-Laban.

Ayon kay dating Bacolod Mayor Monico Puentevella, hindi maitatanggi na ayaw ng paksyon ni Energy Sec. Alfonso Cusi III na kalabanin ni Pacquiao ang presidential daughter.

“Ang mga kababayan naman natin alam naman ang istorya nito eh ayaw nyo lang kay Manny Pacquiao dahil akala nyo…. si kumpareng Manny sunod-sunuran lang, sipsip o tuta eh hindi may pagkatao ito,” sabi ni Puentevella sa isang panayam sa radyo.

Sinabi ni Puentevella na inaasahan na ng grupo ni Pacquiao na siya ay tatanggalin bilang pangulo ng PDP-Laban.

“Ang puno’t dulo nito sa totoo lang is between Sara Duterte versus Manny Pacquiao, kasi akala nila, sasabihin nila kay Manny, ‘Sumunod ka lang, hoy hoy sumunod ka lang huwag kang tumakbo, anak ko yan,’” dagdag pa ni Puentevella.

Ayon sa dating alkalde, ang nais lamang ni Pacquiao ay mapagsilbihan ang bayan. Naniniwala rin umano ang boksingerong senador na kung walang korap, walang mahirap.

“Ang tao (Pacquiao), gusto ring magsilbi. Gusto niya rin tumulong sa mahihirap, d’yan siya galing. Yan ang punot dulo nito kaya itong away na ito dito sa loob, is really between Sara na may Hugpong (Ng Pagbabago) naman, at si Manny sa PDP.”

Naniniwala si Puentevella na natatakot ang kampo ni Duterte kay Pacquiao kaya ngayon pa lang ay sinisiraan na nila ito.

“Bakit kayo natatakot… eh boksingero lang daw ito eh… eh bakit ngayon minumura nyo araw-araw,” dagdag pa ni Puentevella.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?