465

Oct 28, 2019 @ 18:36
By

PUC student ni-rape bago pinagsasaksak ng ice pick sa Iloilo

Matapos na halinhinang ni-rape ng apat na kalalakihan na kinabibilangan ng isang menor de edad, ilang beses na sinaksak ng ice pick at iniwang hubo’t hubad ang isang 19 anyos na estudyante ng Philippine University College (PUC) sa Barangay Abangay sa Janiuay, Iloilo, nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ng Iloilo Police, natagpuang nakahandusay ang bangkay ni Ronalyn Bravio sa may palayan, dakong alas-6:50 ng gabi, Oktubre 27, 2019. Tadtad ang dalaga ng mga saksak sa tiyan, noo, kanang mata, at leeg nito.

Ginamit pa ng mga suspek ang bra at damit ng biktima para igapos ang kamay at paa nito.

Arestado naman sa mga follow-up operation ng awtoridad ang dalawang suspek na sina Reymart Estoque, 18 at ang 15 anyos na itinago sa pangalang “Junjun.”

Base sa imbestigasyon, ang biktima ay lumabas ng kanilang tahanan dakong alas-5:10 ng hapon para bumili ng sabon sa isang sari-sari store, may 300 metro ang layo sa kanilang lugar, at nang pauwi ito ay hinarang ng mga suspek.

Hinampas si Bravio ng matigas na bagay sa ulo, saka halinhinang ginahasa ng mga suspek habang wala itong malay, at nang matapos na ang panggagahasa ay pinagsasaksak ng ice pick ng mga suspek hanggang mapatay.

Natagpuan si Bravio ng kanyang kasintahang si Robbie Chris Natividad, kung saan una nitong natagpuan ang tsinelas at mobile phone ng kasintahan.

Nadiskubre lamang ang krimen matapos ikanta ng 15 anyos na umano’y nakonsensya pero tinangging kasama siya sa nanghalay at pumatay sa biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?