180

Dec 19, 2017 @ 10:44
By

Publiko, na-trauma sa Dengvaxia scare

Nangangamba ang mga eksperto ng University of the Philippines-National Institute of Health (UP-NIH) sa Maynila sa posibleng pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna matapos sumablay ang gobyerno sa pagbili ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ayon sa UP-NIH, hindi na sila magtataka kung magdudulot ng trauma sa karamihan ang epekto ng Dengvaxia scare na tiyak namang magreresulta sa pagtanggi nilang magpabakuna bilang proteksiyon sa iba pang sakit.

Sa record ng national immunization program ng Department of Health (DOH), bakuna ang panlaban ng pamahalaan para maiwasan ng mga bata ang measles, mumps at nakamamatay na pneumococcal (newmokokal) disease na mas malala pa kaysa Dengue.

Noong 2013, tumaas ang kaso ng tigdas sa bansa dahil sa maling pangambang ipinakalat sa anti-measles vaccines sa Pilipinas habang ilang libo naman ang namatay sa Vietnam, nang iatras ng pamahalaan nito ang pagbabakuna ng pentavalent vaccine.

Ayon kay Dr. Lulu Bravo, isang pediatric infectious disease expert, walang panganib sa buhay ang nagpabakuna ng Dengvaxia dahil hindi ito nakamamatay.

Paliwanag ni Bravo, ang severe dengue na epekto ng pagbakuna ng Dengvaxia ay hindi nakamamatay kundi ordinaryong sintomas lang na nararanasan ng normal ng mga mayroong dengue.

Kumbinsido rin si Bravo na mas makabubuting magkaroon ng bakuna o magpabakuna laban sa mga sakit upang maprotektahan sila laban sa virus. (Mina Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?