141

Oct 5, 2021 @ 15:32
By

Public school teachers may P1k ngayong teacher’s day

Mahigit sa 900,000 guro sa pampublikong paaralan ang makatatanggap ng P1,000 sa pamamagitan ng World Teachers’ Day Incentive Benefit (WTDIB).

Ayon kay Makati City Rep. Luis Campos Jr., mayroong inilaang P910 milyon ang Kongreso para sa WTDIB sa ilalim ng 2021 national budget.

Para sa susunod na taon ay P925 milyon naman umano ang nakalaan para rito.

“We expect a greater number of newly hired teachers to receive the benefit next year, thus the bigger funding,” sabi ni Campos, co-sponsor ng budget ng Department of Education (DepEd) para sa 2022.

Batay sa probisyon ng budget, ang WTDIB ay dapat na ibigay ng DepEd sa araw ng taunang World Teachers’ Day.

Ang WTD ay ipinagdiriwang tuwing Oktubre 5. Ngayong taon ang tema ng selebrasyon ay “Teachers at the heart of education recovery.”

Ang pagdiriwang ay bahagi ng paggunita sa global proclamation ng mga karapatan at responsibilidad ng mga guro na pinagtibay sa intergovernmental conference sa Paris noong 1994 at pinangasiwaan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) kaagapay ng International Labor Organization.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?