65

May 8, 2018 @ 19:12
By

PTV 4 dapat maimbestigahan kaugnay sa ads ng DOT

Hindi makakaligtas ang pangasiwaan ng PTV 4 sa imbestigasyon ukol sa kontrobersyal na patalastas ng Department of Tourism na ipinasok sa programa ng mga kapatid ni dating Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo.

Sinabi ni Senador Bam Aquino na babalatan ang PTV 4 dahil nakapagtataka ang transaksyon nito sa Bitag Media Unlimited Incorporation (BMUI).

Ipinunto na blocktimer ang Bitag kaya ito dapat ang nagbabayad sa himpilan para sa pagsasahimpapawid ng programang Kilos Pronto kung saan producer si Ben Tulfo at host din kasama ng kapatid na si Erwin Tulfo at kaibigan nila na si Alex Santos.

Pero lumilitaw na ang PTV 4 ang nagbayad sa Bitag ng higit P60 milyon para ipasok sa programa ng mga Tulfo ang patalastas ng Department of Tourism DOT na pinamunuan ng kanilang kapatid na si Teo.

“Sa pagkakaalam ko kasi ang blocktimer ang nagbabayad sa istasyon, not the other way around. So iyon pa lang, kataka-taka na at baka kailangan nga pong ma-eksplika sa hearing kung paano nga nangyari,” sabi ni Senador Bam Aquino.

Kaugnay nito, kinatigan ni Aquino ang balak ng mga kapwa senador na ituloy ang imbestigasyon sa advertisement deal ng DOT, PTV 4 at BMUI.

Idiniin na isyu rito ang iregularidad at delicadeza.

“At the minimum, siyempre delicadeza na ‘yung perang mula sa iyong ahensya hindi dapat mapupunta sa mga kapatid mo. Iyon pa lang medyo may irregularities,” dagdag ni Aquino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?