14

May 18, 2021 @ 17:32
By

PSTC sa Bataan itatayo

Ang probinsya ng Bataan ang magiging tahanan ng Philippine Sports Training Center (PSTC).

Ito’y matapos pirmahan ni provincial governor Albert Raymond Garcia nitong Martes ang deed of donation para sa lupa na kanilang ibibigay sa Philippine Sports Commission (PSC) na pagtatayuan ng PSTC.

Ang lupa ay nasa bayan ng Bagac at may laking 250,000 metro kwadrado.

Samantala, sa dulo ng taong 2025 naman inaasahang matatapos ang pagtatayo sa PSTC.

“Nagpapasalamat po kami sa Philippine Sports Commission at sa lahat po ng nagtulong-tulong. Isa po itong magandang project para lalong gumaling ang ating mga Atletang Pilipino,” pahayag ng gobernador.

Ang pagtatayo ng PSTC ay nakasaad sa Republic Act 11214 na pinirmahan ng Pangulong Duterte noong 2019. Ang proyekto ay may pondong P3.5 bilyon.

Ayon sa nasabing batas, ang pagkakaroon ng PSTC ay naglalayong mapalaganap ang sports sa bansa at upang maging matagumpay ang mga atletang Pinoy sa bawat kompetisyon. (Mark Joven Delantar)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?