193

Dec 19, 2018 @ 11:35
By

PSL Finals: F2 Logistics nakahinga pa, Galang nagbida

Hindi pa tapos ang laban ng F2 Logistics Cargo Movers sa All-Filipino Conference ng Philippine Superliga.

Tinabla ng Cargo Movers ang serye ng Finals nang padapain nito ang defending champions na Petron Blaze Spikers sa loob ng apat sets, 21-25, 25-19, 25-20, 25-17, Martes sa Mall of Asia Arena.

“Tight nung first set tapos ang dami pang mga bad calls nung referee andun na ‘yung momentum tapos biglang mapuputol na hindi nakikita. So, judgment call eh, hindi naman challengeable ‘yung mga calls nung first set,” wika ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus.

Inamin ni De Jesus na naging emosyonal ang ang kanyang mga bata maging siya ay naging emosyonal din nang matalo sila noong Game 1 noong Finals.

“Lahat nakikita ninyong tao na naka-yellow dito ‘yun yung mga taong umaasa at sumusuporta sa inyo. Sabi ko, huwag namang lumabas na kahiya-hiya ‘yung laro niyo,” dagdag ni De Jesus.

Hindi agarang bumitaw ang F2 Logistics kahit na noong unang set ng laro ay naging gitgitan at agarang nakuha ito ng Petron pero pagpasok ng second set ay dito na umalagwa ang F2.

Sa huling tatlong sets, nagtuloy-tuloy ang pag-ariba ng F2 Logistics at hindi na nito hinayaan ang Petron na makasikwat pa ng kahit na isang set.

Nanguna para sa Cargo Movers si Ara Galang na pumalo ng 20 puntos habang bumakas naman ng 14 na puntos si Majoy Baron at 13 puntos kay Cha Cruz-Behag.

Naging problema rin ng Petron ang kanilang errors ng pinoste nito ang 28 na errors kontra sa 20 errors na pinoste ng F2.

Nanguna para sa Petron si Ces Molina na may 17 puntos habang may 11 puntos naman si Aiza Maizo-Pontillas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?