8

By ,

PSL: Carandang itinakas ang FEU Lady Tamaraws

Sharing is caring!

Naitakas ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang panalo kontra University of the East Lady Warriors sa Philippine Superliga Collegiate Grand Slam.

Sa loob ng limang sets, nanaig ang mga taga-Morayta, 14-25, 25-23, 16-25, 25-18, 15-13, Sabado sa The Arena sa San Juan.

“Siyempre, una thankful pero hindi pa kami dapat magsaya kasi meron pa kaming games na susunod. Ito, gagawin lang namin na stepping stone sa susunod naming laban at mag-matured pa inside the court,” wika ni Czarina Carandang na pumalo ng 14 na puntos.

Naging mahigpit ang paghaharap ng dalawang tropa dahil parehong ayaw bumitaw nito sa laro at sa pagpasok ng fifth set ay halos magpalitan ng lamang ang mga ito.

Lamang ng dalawang puntos ang Lady Warriors, 11-9, sa tulong ng magkasunod ng aces ni Juliet Catindig pero agad bumaba sa isa ang lamang ng mag-service error ito.

Sunod-sunod ang quick hit ng Lady Tamaraws sa magandang koneksyon nina Carandang at Angel Cayuna at sa huling atake ni Carandang ang nagsara ng panalo sa FEU.

Bagama’t naging maganda ang naging laro nito para sa FEU, aminado si Cayuna na kailangan pa rin nilang ayusin ang kanilang service at receive.

“Yung service-receive talaga ‘yung kailangan namin kasi ‘yun po ‘yung mauuna sa volleyball. Kapag maganda ‘yung service-receive mo, maganda ‘yung kalalabasan nung laro,” sabi ni Cayuna.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?