53

Mar 7, 2020 @ 20:51
By

PSL: Aiza lakas makapeke

Halos mahulog sa kinauupuan ang isang fan ng Petron Blaze Lady Spikers matapos ang makapigil-hiningang drop ball ni veteran Aiza Maizo-Pontillas kahapon sa second game ng Philippine Superliga Grand Prix na ginanap sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Lumundag na parang hahatawin ng malakas ni Pontillas ang bola pero nag-iba ng diskarte sa ere at malamyang tinapik lang ito upang ikahon ang 25-17, 25-22, 25-21 panalo ng Lady Spikers laban sa Chery Tiggo Crossovers.

Nanatili sa tuktok ng liderato ang defending champion Petron na may malinis na dalawang panalo habang nalasap ng Crossovers ang unang talo sa dalawang laro.

“Akala ko papaluin ng malakas ni Aiza (Pontillas) ‘yung bola, kaya naghahanda na akong tumalon kapag umiskor, pero muntik pa rin ako malaglag kasi noong drop lang ay hinabol sa kabila ‘yung bola at pati katawan ko tumatagilid mabuti nahawakan ko ‘yung katabi ko,” natatawang kuwento ni Ellaine Baldomero, panatiko ng Petron.

Kumana si import Kath Bell ng 21 points mula sa 20 attacks at isang block para sa Lady Blaze Spikers sa event na suportado ng Cocolife, Cocogen, Sogo, Eurotel, Sweet and Fit Stevia, Team Rebel Sports at Genius Sports.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?