206

Nov 7, 2017 @ 15:29
By

PSG ‘di sangkot sa drug bust malapit sa Palasyo

Walang kinalaman ang isang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) sa drug operations na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan nasakote ang anal ng drug queen sa Malacañang complex.

Sinabi kahapon ni PSG Chief Brigadier General Lope Dagoy na hindi PSG kundi taga PSPG o Presidential Security Protection Group ng Philippine National Police na nakabase sa Kampo Crame ang tumatayong isa sa security ng nasakoteng drug suspect na si Diana Yu Uy, anak ng drug Queen na si Yu Yuk Lay.

Ayon kay Dagoy, ang PSG aniya ang nagsilbing back-up ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement units nang salakayin ang condo unit ng drug suspect sa Gen. Solano st. San Miguel, Manila.

“Mali siguro ang pagkarinig nyo. PSG ang nagback up sa PDEA agents thru a joint operation during the raid. Yung nahuli na 3, isa doon ay pulis na naka-assign sa PSPG sa Crame na hindi connected sa PSG,” ang pahayag ni Gen. Dagoy.

Ang drug raid ng PDEA at PSG ay may 600 metro lamang ang layo sa entrace gate ng Malakanyang.

Kinilala ni Dagoy ang taga-PSPG na nagsilbing security ni Uy na si PO3 Ealter Vidal, at wala itong koneksyon sa PSG.

Ang PSG ang nagbabantay sa seguridad ng commander in chief, Pangulong Rodrigo Duterte, habang ang PSPG ay police escorts na idini-deploy sa mga VIP o sinumang indibidwal na humihiling ng security detail sa PNP kapag ang buhay ng mga ito ay nasa panganib o may tangka sa kanilang kaligtasan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?