By

PSC, Gomez magdidiskusyon sa Asian

Sharing is caring!

Makikipagpulong si Ormoc City Mayor at Philippine delegation chef de mission to 18th Asian Games Richard Gomez sa mga opisyales ng Philippine Sports Commission (PSC) sa darating na Lunes, June 18, upang pag-usapan ang mga paraan upang mapondohan ang mga atleta at coaches na sasabak sa kada apat na taong torneo na gaganapin simula sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 sa Palembang at Jakarta, Indonesia.

Makikipagkita si Gomez ganap na alas-10 ng umaga sa mga opisyales ng PSC na kinabibilangan nina Commissioner Charles Maxey at Celia Kiram, PSC Executive Director Merly Ibay at PSC Budget director Atty. Guillermo Iroy Jr., upang alamin ang kinakaharap ng pambansang delegasyon sa gagamiting pondo para sa paglahok sa torneo.

Umabot na sa 281 atleta at 49 coaches ang Asian Games bound Philippine delegation bagaman inaasahan pa itong pagdidiskusyunan ng opisyales ng Philippine Olympic Committee (POC) hanggang bukas, Hunyo 15 para aprubahan ang pinal at pagsusumite ng listahan o posibleng bawasan ang bilang.

Ilan sa inaasahang pag-uusapan ay ang airfare, uniform at competition equipment na kailangan ng 32 national sports association (NSAs) na kabilang sa delegasyon ng Pilipinas sa quadrennial na Asian Games.

Una nang inaprubahan ng PSC ang pagtatakda ng P72 milyon para sa partisipasyon ng bansa sa Asian Games subalit malaki ang posibilidad na ang tulong pinansiyal ay hindi nito maibibigay nang diretso sa POC. (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?