320

Dec 31, 2017 @ 11:36
By

Prusisyon ng Black Nazarene payapa – MPD

Makalipas ang mahigit walong oras, mapayapang natapos ang thanksgiving procession ng Poong Itim na Nazareno.

Ito ay makaraang makabalik ng Quiapo Church ang andas ng Poong Nazareno alas-10:35 ng umaga kanina.

At dahil natiyempo na araw ng Linggo, apaw ang Simbahan ng Quiapo at ang Plaza Miranda ay punong-puno ng mga deboto at nagsisimba.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Station 3 Commander Supt. Arnold Tomas Ibay, umabot sa mahigit 200 libo ang bilang ng mga nakiisa sa prusisyon, kasama na rito ang mga nagvigil kagabi sa Plaza Miranda at naghintay ng pag-usad ng prusisyon na nagsimula ng alas dos ng madaling araw kanina.

Kasunod naman ng pagtatapos ng prusisyon, balik na rin sa daloy ng traffic ang Carlos Palanca na kanina ay pansamantalang isinara nang dumaan ang andas.

Iyon nga lang, masikip ang sitwasyon ng mga lansangan sa Quiapo dahil abalang-abala na ang distrito sa kasalukuyan dahil sa mga nagsisimba at mga namamalengke sa Quinta Market.

Wala namang namonitor ang pulisya ng major untoward incident sa kabuuan ng prusisyon.

Batay naman sa pagtala ng Reach Out Rescue Team, umakyat na sa 41 ang bilang ng mga nasugatan, nahimatay at dumanas ng high blood pressure.

Ang pinakamatandang pasyente ay edad 52, habang trese anyos naman ang pinakabata.

Ang thanksgiving procession ay ang simula ng Pista ng Poong Itim na Nazareno na magtatapos sa mas malaking prusisyon sa January 9, 2018 na inaasahang dadayuhing muli ng milyun-milyong deboto. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?