83

Nov 4, 2017 @ 15:44

Prusisyon kontra EJK, ilulunsad sa EDSA Shrine

Kasado na ngayong araw ng Linggo, Nobyembre 5, ang ilulunsad na prusisyon laban sa extrajudicial killings (EJK).

Ang aktibidad na tinawag na “Lord, Heal our Land Sunday” at inorganisa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay lalahukan ng iba’t ibang mga religious group at mga civil society group kabilang na ang TindigPilipinas at Movement Against Tyranny.

Sa isang pulong balitaan, tiniyak naman ng TindigPilipinas na hindi layunin ng mga sasali sa prusisyon na pabagsakin ang gobyerno.

Ayon kay TindigPilipinas spokesperson Karina David, hindi nila layunin na maglunsad ng destabilisasyon laban sa administrasyon at ang kanilang gagawing aktibidad ay bahagi lamang ng prosesong pang-demokratiko.

“Hindi po kami destabilizer, hindi po kami nananawagan ng overthrow ng pamahalaan, hindi po kami nananawagan galing sa galit, nananawagan po kami galing sa malasakit,” paglilinaw ni David.

Isa ang TindigPilipinas sa mga grupong lalahok sa aktibidad na sisimulan sa pamamagitan ng misang idaraos sa EDSA Shrine, alas-tres ng hapon.

Susundan naman ang misa ng candlelight procession kung saan magiging tampok ang imahe ni Our Lady of Fatima na binitbit ng mga debotong Katoliko sa EDSA nang sumiklab ang People Power Revolution noong 1986.

Sa kapareho ring araw ay sisimulan ang 33-araw na pagdarasal na tatagal hanggang Disyembre 8 bilang hudyat ng pagsisimula ng paghilom. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?