prusisyon
By

Prusisyon: Ilang kalsada sa Maynila isasara sa Enero 7

Sharing is caring!

Isasara ang ilang mga kalsada sa Maynila sa araw ng prusisyon ng mga replika ng Poong Itim na Nazareno bukas, Enero 7, 2018.

Sa abiso ng Manila District Traffic Enforcement Unit, umpisa alas-11:00 ng umaga ng Linggo ay sarado na sa daloy ng trapiko ang southbound lane ng Quezon Boulevard mula A. Mendoza patungo ng Plaza Miranda; gayundin ang eastbound lane ng CM Recto Avenue mula Rizal Avenue patungo ng SH Loyola Street at westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa patungong Lerma Street.

Naglatag naman ang mga otoridad ng alternatibong ruta na maaaring daanan ng mga maaapektuhang motorista.

Para sa mga sasakyan na manggagaling ng España Boulevard na patungo ng Roxas Boulevard, Pier South o Taft Avenue, pinapayuhan sila na kumanan sa P. Campa at diretso sa Fugoso Street patungo sa destinasyon.

Para naman sa mga magmumula sa A. Mendoza na patungo sa Quezon Boulevard, dapat silang kumanan sa Fugoso, kaliwa sa Rizal Avenue patungo sa destinasyon.

Sa mga motorista na dadaan ng SH Loyola at magmumula sa Balic-Balic area patungo ng Quiapo, pinapayuhan sila na kumanan sa CM Recto Avenue patungo sa destinasyon.

Narito naman ang mga kalsadang dadaanan ng prusisyon ng mga replika ng Poong Itim na Nazareno: mula sa Plaza Miranda ay kakaliwa ito sa Quezon Boulevard, kaliwa sa Gonzalo Puyat, kakanan sa Evangelista Street, kakanan sa Recto Avenue, kakanan sa Loyola Street, kakanan sa Bilibid Viejo na didiretso sa Puyat St., kakaliwa sa Guzman St., kakanan sa Hidalgo St., kakaliwa sa Barbosa St., kakanan sa Globo de Oro, kanan uli sa Palanca St., kakanan sa Villalobos at diretso na pabalik ng Plaza Miranda.

Ang ruta ng prusisyon ng mga replika ng Poong Itim na Nazareno ay may distansyang 2.29 kilometro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?