Abante-TnT--Napoles
By

Provisional coverage ni Napeles sa WPP, magpapaso na sa Mayo 26

Sharing is caring!

Hanggang Mayo na lamang ang saklaw ng provisional coverage ng kontrobersiyal na si Janet Lim Napoles sa Witness Protection Program (WPP).

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Gueverra, magpapaso ang provisional coverage sa programa ni Napoles sa ika-26 ng Mayo.

Kaugnay nito, sinabi ni Guevarra na bago sumapit ang nasabing petsa ay tutukuyin ng DOJ kung dapat pa bang palawigin o hindi ang pagpapasailalim kay Napoles sa WPP.

Pebrero ng taong ito nang mapasailalim si Napoles sa provisional coverage ng programa matapos siyang makapagsumite ng affidavit kung saan pinangalanan umano niya ang iba pang mga dawit sa pork barrel scam.

Pinag-aaralan na ng DOJ kung maaring maging batayan ang affidavit ni Napoles para sa paghahain ng karagdagang kaso kaugnay sa PDAF scam.

Gayunman, hindi isinapubliko ng DOJ ang affidavit ni Napoles dahil sa umiiral na confidentiality rule sa ilalim ng Witness Protection Act.

Matatandaang si Napoles ay nauna nang naabsuwelto sa kasong serious illegal detention na nag-ugat sa reklamong inihain laban sa kanya ng pinsan niyang whistleblower sa pork barrel scam na si Benhur Luy.

Mula sa Correctional Institution for Women sa Lungsod ng Mandaluyong ay inilipat naman siya sa Camp Bagong Diwa noong Mayo 2017 alinsunod sa utos ng Sandiganbayan dahil sa kinakaharap niyang kasong plunder kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?