1,396

By

Proud Pinoy! Anak ng ex-NBA star, hiling sumali sa Team ‘Pinas

Mukhang hindi mababakante sa talento ang hinaharap ng PH national team sa dami ng gustong maglaro para sa bansa.

Kasunod ng mga sumisibol na mga potential Team Pilipinas member katulad nina Kai Sotto at NCAA Division I player Remy Martin, isa pang manlalaro ang posibleng ilagay sa radar ng national team.

Sa panayam kay one-time NBA champion na si Metta World Peace sa ginanap na National Basketball Training Center (NBTC) League, nais maglaro ng kanyang anak na si Jeron Artest para sa national team ng Pilipinas.

“My son is so proud to be Filipino. He really wants to play for the Filipino national team one day. He’s extremely, extremely excited to be here,” ayon kay World Peace, na naging All-Star player noong 2004, sa report ng ESPN5.

Sa unang sabak ni Artest sa bansa, nagpakitang-gilas ito sa semifinals match ng FilAm Sports kontra San Beda Red Cubs na bumakas ng 14 points, seven rebounds at three assists bagama’t natalo, 98-91.

Si Artest ay may lahing Pinoy bunsod ng kanyang ina na si Jennifer Palma na bagama’t ipinanganak sa Amerika ay tubong Mindoro ang pamilya.

“Jeron Artest does not only want to build his basketball brand out here in the Philippines,” saad ni World Peace. “He also wants to inspire the kids by education. Education is extremely important to him.”

Sakaling pag-interesan ng Team Pilipinas, tila magiging madali ang pag-apruba sa eligibility ng ngayo’y 18-anyos na si Artest dahil nakapag-apply na ito para sa Philippine passport noong tumungtong ng 16-anyos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?