271

By

Protestante nilinaw: natabunan ng landslide sa Benguet, hindi simbahan

Nilinaw ng United Church of Christ in the Philippines na hindi nila simbahan ang kasamang gumuho sa landslide sa Itogon, Benguet sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong.

Sa Facebook post ng UCCP, ang gumuho ay sambahan ng United Church Fellowship (Pentecostal Group) na dating bunkhouse ng mga minero ng Benguet Mining.

Sa isa pang social media post, nagpakita ng mga larawan ang UCCP ng gumuhong kalsada sa Barangay Loacan, kung saan ilan sa kanilang mga miyembro ang nasawi.

Unang tinukoy ni Pangulong Duterte na simbahan ang gumuho at sinabi pa nito na hindi sana ito guguho kung pinalitan lang ang pari.

Sinabi pa nito na bobo ang mga pari.

Dinipensahan naman siya ni Presidential Spokesman Harry Roque, na sinasabing miyembro ng UCCP, at sinabi na hindi naman sineseryoso ang lahat ng sinasabi ng Punong Ehekutibo.

“Ang tingin ko naman po, hindi naman po seryoso ang presidente. Let’s not take his words always literally,” ani Roque.

Napa-ulat na may 100 minero ang nagtago sa sambahan sa pag-aakalang ligtas sila ngunit tanghali ng Sabado ng gumuho ito kasabay ng tone-toneladang lupa.

Higit 40 natabunang bangkay na ang nahugot mula sa ilalim ng putik.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?