13

Jul 19, 2021 @ 15:19
By

Villanueva: Kailangang may proteksiyon sa mga freelance worker

Masosolusyunan ang problema ng mga rider ng mga food delivery service app kapag kinikilala na sa batas ang mga karapatan ng freelance worker, ayon kay Senador Joel Villanueva.

Sabi ni Villanueva, chair ng Senate labor committee, ang kailangan lang ay suportahan ang pagsusulong ng Freelance Workers Protection Act na kanyang inihain noon pang nakalipas na taon.

Aniya, maraming mga nawalan ng trabaho ang sumabak sa freelancing sa kasagsagan ng pandemya upang kumita at bumuhay ng kanilang pamilya.

“Ito pong problema ng mga rider ng food delivery service apps ay isang patunay sa matinding pangangailangan natin para sa itaguyod ang Freelancers Protection bill. Abonado na po sila madalas, at minsan nabibiktima pa ng mga fake booking,” ani Villanueva.

“Kaunting minutong aberya lang sa daan, katakut-takot na insulto at pambabastos ang tinatanggap nila mula sa mga nag-order. Kailangan pong may malinaw na proteksyon ang ating mga freelance workers,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Villanueva, sa kasalukuyan ay hindi kinikilala ng Labor Code ang mga freelance worker.

“Dapat po responsive ang ating mga batas sa mga pagbabago sa mga industriya at trabaho. Kung mayroong 1.5 milyon na freelancers na may kanya-kanyang mga pamilya, ibig sabihin may higit sa 6 milyong mga kababayan natin ang apektado sa aksyon o hindi pag-aksyon sa usapin na ito,” sabi nito.

“Tuloy-tuloy po tayo sa pag-aksyon upang isulong ang Freelance Workers Protection bill dahil ginagawa nitong patas ang estado ng mga manggagawa at mga employer,” saad pa ni Villanueva.

Ayon kay Villanueva, idudulog niya muli ang isyu sa tanggapan ng Department of Labor and Employment, na unang nangakong iimbestigahan ang usapin noong nakalipas na taon sa budget deliberations nito

Noong Setyembre, inihain ni Villanueva sa plenaryo ang Freelance Workers Protection bill o Senate Bill No. 1810 na kumikilala sa mga freelance workers at nagtataguyod ng mga karapatan nila sa ilalim ng freelance arrangement.

Sa ilalim ng panukala, inoobliga nito ang hiring party at ang freelance worker na magkaroon ng written contract o kahalintulad na dokumento, electronic file o printed copy, kung saan nakasaad ang kasunduan ng parehong partido sa mga nakalatag na terms and conditions, kasama ang malinaw na engagement at ang kabayaran para sa serbisyong ibinibigay ng freelance worker.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?