59

Oct 7, 2021 @ 15:22
By

Proteksyon ng Bank Secrecy Act sa gov’t officials tutuklapin ni Ping

Para kay Senador Panfilo Lacson, hindi dapat isama sa mabibigyan ng proteksyon sa Bank Secrecy Act ang lahat ng mga empleyado ng gobyerno – mula sa clerk hanggang sa Presidente.

Sabi ni Lacson, makakatulong ito sa pagpuksa sa korapsyon dahil mahihirapan na ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na itago ang kanilang nakaw na yaman.

“Whether janitor or clerk, all the way up to the President, kailangan di ka protektahan ng Bank Secrecy Act,” pahayag ni Lacson sa kanyang panayam sa One News nitong Huwebes.

Pinuna ng senador ang probisyon sa Bank Secrecy Act (RA 1405) na nagbabawal sa paglalantad o pagkwestiyon sa bank deposits na madalas inaabuso at nakakaantala sa mga imbestigasyon laban sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na pinagsususpetsahang nagpayaman lamang habang nakaupo sa pwesto.

Inihain ni Lacson ang panukala na tanggalin ang mga opisyal ng gobyerno sa mabibigyan ng proteksyon ng Bank Secrecy Act noong mga nakaraang Kongreso, kabilang dito ang Senate Bill 26 na inihain nitong ika-18 Kongreso.

Subalit hindi nakapasa ang mga panukalang ito.

“Hindi dapat kasama sa provision ng Bank Secrecy Law once na pumasok ka sa gobyerno dapat hindi ka kabilang sa protection na ibinibigay ng Bank Secrecy Act. Sa kasamaang palad di ito umusad,” ayon kay Lacson Lacson. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?