20

May 26, 2020 @ 16:35
By

Protection center para sa domestic violence muling binuksan ng QC LGU

Dahil sa patuloy na pagdami ng mga insidente ng domestic violence sa panahon ng pandemya ng COVID-19, muling binuksan ng Quezon City government ang protection center upang maserbisyuhan ang mga walk-in client lalo na sa mga kababaihan, bata, LGBT o lesbian, gay, bisexual, at transgender na nakaranas ng karahasan na magsisimula ngayong araw ng Martes.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, ang nasabing tanggapan ay matatagpuan malapit sa Quezon City General Hospital compound sa Barangay Bahay Toro, na pansamantalang isinara ng local government dahil sa pandemic.

Anang alkalde, tuloy pa rin umano ang pagtanggap nila ng mga reklamo sa pamamagitan ng e-mail na quezoncityprotectioncenter@gmail.com, gayundin sa social media account at Hotline 122 para sa agarang aksyon.

Sinabi pa ni Belmonte, ang desisyon niyang muling buksan ang protection center ay dahil sa mga ulat na umabot sa 602 na insidente o average na walo kada araw ang naabuso mula March 17 hanggang May 23.

Ang QCPC ay unang naitayo noong bise alkalde pa lamang si Belmonte sa pamamagitan ng City Ordinance No SP-2191 ng taong 2012.

Ito ay nagbibigay ng free legal, medical at psychological assistance para sa mga biktima ng domestic abuse at sexual harassment.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?