111

Nov 26, 2019 @ 15:43
By

Proseso ng pag-ampon paikliin – Poe

Maraming tao ang maeengganyong mag-ampon ng bata kung maaalis na ang judicial process of adoption, ayon kay Senadora Grace Poe.

Ginawa ni Poe ang pahayag sa 30th anniversary ng United Nations Convention on the Rights of the Child at National Children’s Month.

Ang Pilipinas ay signatory ng UN Convention on the Rights of the Child.

“But 30 years after that, it’s undeniable that we still need to do a lot to uplift the rights of children,” sabi ni Poe na isa ring adopted child.

“Kaya po sa ating lahat ngayon, isa pong handog din namin na mag-file ng isang bill dito sa Senado kung saan ang pag-aampon ng isang bata ay magiging mas madali na at papaikliin ang proseso,” dagdag nito Poe.

Kasabay nito, umapela si Poe sa kapwa niya senador na aprubahan na ang Senate Bill 1070 na magbibigay ng administration adoption sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development.

Kung aalisin na aniya ang judicial na proseso sa pag-adopt ng bata, bibilis ito at hindi na magagastusan pa ang mga taong gustong mag-apon.

“Bakit? Because we are going to remove all the judicial processes involved that requires a lengthy and costly process for all of us, for all of those who would like to adopt,” sabi ni Poe.

“Noong ako’y in-adopt ng aking mga magulang, it took them four to five years to be able to finalize the process and it cost quite a sum for them to do that,” dagdag nito.

Dagdag pa ni Poe, “Kaya ang nangyayari ‘yung mga gustong mag-adopt ng mga bata, kukunin na lang ‘yung bata pero hindi naaayos ang kanilang papeles.”

“So, ano ang nangyayari? ‘Pag ang batang ‘yan pumasok sa school o kaya naghanap ng trabaho o kaya mag-asawa, ‘pag hindi tama ang kanilang birth certificate, wala silang karapatan sa ating bansa,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?