57

Nov 19, 2017 @ 17:13
By

Proseso ng kargamento sa ASEAN, pabibilisin

Isinusulong ng mga pinuno ng Customs sa Brunei, Indonesia, Malaysia at Pilipinas ang pagpapabilis sa pagproseso ng mga dumarating na kargamento.

Ito ay sa idinaos na Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) sa Malaysia noong November 13-14 kung saan nagpulong ang mga Heads of Customs ng nasabing mga bansa.

Sa nasabing pagpupulong, iminungkahi ni BOC Commissioner Isidro Lapena ang Time Release Study (TRS) on Port Clearance na susukat sa haba ng prosesong pinagdaraanan ng kargamento magmula nang ito ay dumating sa pantalan hanggang sa makaalis ng pier.

Sa nasabing pag-aaral, target ding matukoy kung anong bahagi ng proseso ang inaabot na mahabang oras.

Ang magiging resulta ng TRS ay maari umanong magamit para mapaikli ang pagproseso sa mga shipment.

Ipinunto ni Lapena na kapag mas mabilis umano ang daloy ng mga kargamento, mas mabilis din ang usad ng ekonomiya na mainam sa pag-unlad ng bansa.

Sa nasabing pagpupulong, iminungkahi rin ni Lapena na magkaroon ng bilateral arrangement ang Pilipinas sa pagitan ng Malaysia at Indonesia sa ilalim ng “Goods in Transit.”

Layon ng Goods in Transit na mapataas ang port activity, makahikayat ng mga mamumununan at mapaghusay ang economic activities ng isang bansa.

Sa susunod na taon, gagawin sa Pilipinas ang BIMP-EAGA Customs, Immigration, Quarantine and Security Working Group meeting.

Habang nasa Malaysia, binista rin ni Lapena ang pinakamalaking pier sa Sabah para personal na makita ang ipinaiiral doong customs clearance procedures ng Royal Malaysian Customs Department.

“I am looking forward to more port visits and to explore various new systems from other ASEAN member-states to ensure sustainable and effective trade among countries,” saad ni Lapena. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?